Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi maaaring ibenta ang mga idino-donate na bakuna sa bansa laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga ulat na may ilang COVID-19 vaccines mula China ang ibinibenta na raw dito sa Pilipinas kahit sila ay nasa proseso pa ng clinical trials.
“Donation for example is not a way to get a product registered in a country for commercial purposes,” ani Usec. Eric Domingo, director general ng ahensya, sa isang media forum nitong Biyernes.
Paliwanag ng opisyal, magkaiba ang product number ng mga bakuna o gamot na nakatakdang ipa-rehistro para maibenta at mga ido-donate.
Ayon kay Domingo, kung ang isang kompanya ay magdo-donate ng bakuna o gamot sa Pilipinas ay kailangan muna itong dumaan sa evaluation ng FDA.
“If the DOH (Department of Health) wants to accept the donation of a vaccine, then they will inform the FDA and then FDA will evaluate, and then we can give a Certificate of Product Registration for that particular donation only.”
Ang binibigyan lang daw ng registration ng FDA na donasyong bakuna, ay ang eksaktong bilang na ipapadala ng isang kompanya o organisasyon.
Hindi naman tatanggap ang DOH ng bakuna na malapit nang mag-expire at walang tamang labelling para maintindihan ng gagamit.
Dapat din daw na naaayon sa international shipping negotiation ang packaging ng donated vaccine, at good quality standard.
“It should have a CPR from a country of origin. Hindi tayo tatanggap ng donation nang investigational vaccine na hindi pa registered sa country of origin.”
“All donated drugs should not find its way in commercial outlet. Kapag nag-donate, hindi ibig sabihin noon pwede ka na ring magbenta ng katulad na gamot.”
Iniimbestigahan na rin daw ng ahensya ang ulat ukol sa mga sinasabing bakuna mula China na ibinibenta rito sa Pilipinas.
“There have been rumors na may mga Chinese ads na nagbebenta na raw ng apparently clinical trial vaccines for P50,000, pina-imbestiga naman ng FDA and we found no vaccines.”










