-- Advertisements --

Inilunsad ng Food and Drug Administration (FDA) ang task force na siyang gagawa ng hakbang para maging commercially available na ang mga COVID-19 vaccines.

Sinabi ni FDA Director General Samuel Zacate, pinangalanan nilang Taskforce Edward ang grupo na base sa pangalan ng British physician Dr. Edward Jenner na kilala sa kanyang immunization work.

Layon ng task force na gawing ligtas at epektibo ang COVID-19 vaccines at mas accesible na ito para sa lahat ng mga Pilipino.

Ang taskforce din ang mag-e-evaluate at mag-aapruba sa COVID-19 vaccines.

Una rito, nag-isyu ang pamahalaan ng emergency use authorizations (EUA) sa COVID-19 vaccines at drugs pero subject pa rin ang mga ito sa ilang kondisyon.

Ang mga maaaprubahan namang bakuna ay mabibigyan ng Certificate of Product Registration (CPR).

Ang naturang mga bakuna ay magiging available naman sa mga FDA-licensed drug establishments.

Dagdag ng ahensiya, bubuo rin daw sila ng specialized unit ng mga eksperto na babalangkas sa magiging purpose at objectives ng Taskforce Edward.

Hinimok naman ni Zacate ang mga pharmaceutical firms na mag-apply ng CPR o market authorization para sa kanilang ibebentang COVID-19 vaccines.

Sa ngayon, isa pa lamang daw na COVID-19 vaccine na may EUA ang nag-apply para sa issuance ng CPR.