-- Advertisements --

Inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang bagong video ng pagtakas mula sa crime scene ng suspek sa pamamaril sa kilalang American conservative activist na si Charlie Kirk sa isang event sa Utah Valley University noong Miyerkules, Setyembre 10.

Nakasuot ang shooter ng itim na sombrero, long sleeve black shirt na may US flag at Converse shoes.

Nakuhanan sa isang CCTV footage ang suspek na tumatakbo mula sa roof matapos ang pamamaril saka bumaba mula sa gusali palayo sa lugar. Ayon kay Utah Governor Spencer Cox, mahigit 7,000 leads at tips ang kanilang natanggap mula sa publiko.

Ayon sa isang law enforcement official, narekober ng mga imbestigador malapit sa lugar ang ginamit na high-powered rifle ng suspek.

Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng naturang person of interest at nagpapatuloy din ang manhunt operation kung saan nag-alok na ang FBI ng $100,000 pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek.

Samantala, naiuwi na ang labi ng nasawing conservative activist sa kaniyang home state sa Phoenix, Arizona. Inilipad ito sakay ng Air Force plane ni US Vice President JD Vance na sumama din sa pagdadala ng kabaong sa naulilang pamilya ni Kirk.

Nag-alay naman ng pagpupugay si US President Donald Trump kay Kirk at kinondena ang naturang pag-atake at political violence.

Si Kirk ay isa sa pinakamataas na profile conservative activists at media personalities sa Amerika at malapit na kaalyado ni Trump.

Binaril ang 31 anyos na si Kirk habang nagsasalita sa isang college event para sa organisasyon kung saan co-founder siya, bilang bahagi ng kaniyang “American Comeback” tour. Tinawag naman ng awtoridad ang pagpatay sa conservative activist bilang isang targeted shooting.