DAGUPAN CITY — “We have to rely on the words of Senator Imee Marcos, ngunit kung puspusan naman ang paghahanap ay may ilang kwalipikadong mga indibidwal na maaaring pagpilian ng ating Presidente.”
Ito ang naging kumento ni Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, hinggil sa naging pahayag ng Senadora hinggil sa kawalan ng naitatalahang Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka dahil umano posibleng wala gustong tumanggap sa posisyon dahil alam naman ng lahat na napakahirap ng tungkuling ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na maraming magagaling na indibidwal sa bansa ang maaaring manungkulan at magsilbi bilang Kalihim ng naturang sektor, subalit kinakailangan din aniya na mayroong kaukulang karanasan hindi lamang sa academic preparation, ngunit nauunawaan ang panghahawakan nitong tungkulin.
Paliwanag ni Montemayor na napakalaking Kagawaran ang sektor ng pagsasaka ng may humigit kumulang 20 bureaus at agencies na nangangailangan ng malaking bilang ng mga tauhan at pondo, kaya naman kinakailangan na handa ang uupo sa posisyon na pangatawanan ang magiging responsibilidad nito.
Dapat din aniya na mayroon itong karakter at malasakit sa masa lalong lalo na sa pag-unawa sa mga pangangailangan ng mamamayan.
Sinabi pa nito na kung mayroon mang tatanggap ng naturang posisyon ay pinakamahalagang mabigyan ng kagyat na pagtugon ang usapin sa El Niño, lalong lalo na sapagkakaroon ng sapat na patubig na magagamit ng mga magsasaka.
Saad nito na maituturing na isang salik na nag-ambag sa maraming suliraning kinakaharap ngayon ng sektor ng agrikultura ang kawalan ng permanenteng Kalihim, bagamat nakaupong Officer-in-Charge si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., lalo na’t nagkukulang ang koordinasyon ng mga kinauukulan sa pagtugon sa mga hamong ito.