Inirekomenda na ng Senate blue ribbon committee sa Office of the Ombudsman na isama na rin para sa kasong graft si dating Bureau of Correction Dir. Gen. Nicanor Faeldon dahil sa “good conduct time allowance (GCTA) for sale.”
Ayon kay committee chairman Sen. Richard Gordon, hindi maaaring maabswelto ang pinuno sa bagay na ito dahil sa napakaselan ng usapin.
Bukod kay Faeldon, dapat din umanong usigin ang mga doktor at legal chief na pumayag sa mga high-profile inmates na makalabas sa New Bilibid Prison (NBP).
Una rito, sa 16 pahinang desisyon, sinibak ng Office of the Ombudsman sina BuCor Documents Section Chief Ramoncito Roque at BuCor officials na sina Maribel Bancil at Veronica Buño.
Nakitaan daw kasi ng anti-graft body na may sapat na basehan ang akusasyon ng mga sumalang na resource person sa Senado laban sa mga ito.
Bukod sa dismissal, pinagbawalan din ang tatlo na muling kumuha ng pagsusulit sa civil service at disqualify na din ang mga ito sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.










