Ipinagmalaki ng Korean Youtuber at martial arts expert na si DK Yoo ang pagkuha niya bilang trainer sa dating Pinoy world champion na si Gerry Peñalosa bilang paghahanda sa exhibition match laban kay dating senador at boxing legend Manny Pacquiao sa buwan ng Disyembre.
Ang tinaguriang 2022 special boxing match na ” Pacquiao versus DK Yoo” ay itinakda sa December 10 nitong taon.
Inanunsiyo ng kampo ni Yoo na malaking karangalan na maging bahagi ng training camp si Peñalosa na dati na ring two-division world champion.
Si Peñalosa ay malapit din na kaibigan ni Pacman.
Samantala, sinasabing si DK Yoo na bagamat hindi kilala sa labas ng Korea, marami naman daw itong followers sa kanyang sariling bansa.
Nasa mahigit 600,000 ang kanyang mga subscribers sa kanyang YouTube channel.
Ang 42-anyos na si Yoo, ay inilalarawan din ang kanyang sarili bilang “movement, meditation, fighting coach” at founder nang tinaguriang Warfare Combat System Method.
Noong nakaraang taon ay hinarap din niya ang UFC veteran na si Bradley Scott sa isa ring boxing exhibition match.