Hinamon ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez si Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas na magpatupad ng reporma o magbitiw sa puwesto.
Ginawa ito ni Alvarez kasunod nang pamamaril ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, 46, sa mag-ina na sina Sonya Rufino Gregorio, 52, at Frank Anthony Rufino Gregorio, 25-anyos sa Paniqui, Tarlac kahapon.
Kasunod nang pangyayaring ito, kailangan na magkaroon ng command responsibility sa hanay ng pulisya sa pangunguna ni Sina, ayon kay Alvarez.
Kung hindi aniya kaya ni Sinas na pangunahan ang kanilang hanay sa pagseserbisyo nang maayos at maprotektahan ang sambayanang Pilipino ay hindi rin ito karapatdapat bilang maging PNP chief.
Iginiit ni Alvarez na hindi katanggap-tanggap ang failure of leadership sapagkat buhay ng taumbayan ang nakasalalay rito.
Bagamat dapat lamang na maparusahan agad si Nuezca sa ginawa nitong krimen, hindi naman dapat isantabi ang sistema sa PNP.
Kailangan aniyang silipin ang PNP bilang isang institusyon na ngayon ay tinatawag na ng marami na “Pumapatay Ng Pilipino”-PNP.
Mahalaga na ma-review at magsagawa ng reporma sa sistema upang maitama ang mga pagkakamali.