-- Advertisements --

Inaasahan ni Senador Imee Marcos na kinalaunan ay uuwi sa Pilipinas si dating House Appropriations Committee chair, Zaldy Co, upang magsiwalat ng kaniyang nalalaman sa flood control scandal.

Ayon sa Senador, nauna nang nagpahayag si Co ng kaniyang kahandaan na ilabas ang mga hawak na impormasyon ukol sa nabunyag na korapsyon sa mga flood control project.

Nang matanong ang senadora ukol sa posibleng kinaroroonan ni Co, sinabi niyang ang tanging batid niya sa ngayon ay kasalukuyan pa ring nasa Europe ang naturang pugante.

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Marcos na hindi magiging madali ang pagpapauwi kay Co dito sa Pilipinas, lalo at mahigpit aniya ang Europe lalo na sa mga kaso ng ‘political oppression.’

Sa huli, umaasa si Marcos na magdedesisyon si Co na kusang babalik sa bansa upang ilabas ang mga nalalamang impormasyon.

Pinuna rin ng presidential sister ang pahayag ni Sen. Panfilo Lacson na sabay nang ihaharap sa Senate Blue Ribbon Committee ang 18 sundalo na nagpakilalang mga bagman kung napauwi na sa Pilipinas si Co.

Ayon kay Marcos, isa itong malaking problema dahil hindi na mahanap-hanap si Co, habang maging si mismong Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nabiktima rin umano ng ‘fake news’ ukol sa dating mambabatas.

Mas mainam, ayon kay Marcos, kung ipatawag na kung sino ang narito sa Pilipinas, tulad ng kaniyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez upang maalis ang haka-hakang may pinoprotektahan ang panel.