-- Advertisements --
DeLima hostage taking

Hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin aa Philippine National Police General Hospital (PNPGH) si former senator Leila De Lima.

Kasunod pa rin ito ng tangkang pagtakas ng tatlong preso sa PNP Custodial Centef na nauwi naman sa pangho-hostage sa dating senadora.

Sa isang pahayag ay sinabi mismo ng legal consultant ni de Lima na si Atty. Boni Tacardon na sa PNPGH pa rin siya nagpalipas ng gabi kagabi at mananatili pa aniya ito doon sa loob ng limang araw alinsunod na rin daw sa naging abiso sa kanila ng PNP sa kabila ng naging anunsyo ng pambansang pulisya na muli nang nagbalik sa normal na operasyon kahapon ang nasabing Custodial Center.

Ayon pa kay Tacardon, bukod dito ay nakipag-ugnayan na rin aniya ang kampo ni de Lima sa buong hanay ng pulisya para sa pakikipagtulungan sa ginagawang imbestigasyon nito hinggil sa nasabing insidente at gayundin ang makapag-bigay ng ilang suhestiyon para sa dagdag na seguridad para sa dating mambabatas.

Samantala, una rito ay ipinaliwanag na rin ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na pansamantala nilang inilipat si de Lima sa PNPGH upang mabantayan ang kalusugan nito matapos ang naturang pangyayari.

Sinabi rin niya dahil sa naganap na insidenteng ito ay natutunan ng buong hanay ng pulisya na huwag na huwag maging kampante at palaging maging handa kontra sa ganitong klase ng mga hindi inaasahang pangyayari.