Naghain si dating Senator Leila de Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 na humihiling na ibasura ang natitirang drug case nito na inihain sa Department of Justice noong Pebrero 2017 sa ilalim ng nakalipas na Duterte administration.
Ang demurrer to evidence ay inihain ng akusado matapos na ipahinga ng prosekusyon ang pag-dismiss sa kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Base sa naging desisyon noon ng Korte Suprema, sa oras na iginawad ang demurrer to evidence sa isang criminal case, katumbas nito ang pag-abswelto sa akusado. Ang anuman na paguusig sa parehong pagkakasala ay labag sa constitutional rights ng akusado laban sa double jeopardy.
Sa 52-pahinang demurrer of evidence, sinabi ni De Lima na hinihiling nito na maibasura ang kaso laban sa kaniya nang hindi na kinakailangang magpresenta pa ng kaniyang ebidensiya dahil base sa testimonial at documentary evidence ng Prosekusyon na tinanggap ng Korte, hindi lamang umano nabigo ang prosekusyon na magpresenta ng sapat na ebidensiya na susuporta sa hatol ng conviction beyond reasonable doubt kundi nabigo din ang prosekusyon na magpresenta ng matibay na ebidensiya para patunayan ang pagtanggi sa paggawad ng piyansa.
Binigyang diin din sa mosyon ng Senadora na halos lahat ng mahahalagang ebidensiya ng prosekusyon ay naipresenta na sa pagdinig para sa bail nito at naipasa na sa Honorable court sa November 10, 2023 Order na nagdedeklara na hindi matibay ang ebidnsiya ng prosekusyon kayat pinayagan ang akusado na makapag-apply para makapagpiyansa.
Nabigo din umano ang mga bail witnesses ng prosekusyon na magpakita ng ebidensiya ng umano’y conspiracy o sabwatan sa pagsasagawa ng kalakalan ng iligal na droga ang lahat ng akusado. Nabigo din umano ang mga ito na patunayang may personal knowledge sila na nakipagkasundo si De Lima sa kaniyang kapwa akusado at drug lords sa Bilibid na ni isa naman umano ay walang nasakdal sa kaso, para sa kalakalan ng iligal na droga gamit ang cellphone at iba pang gadgets at devices.
Iginiit pa nito na ilang mga testigo ng prosekusyon kabilang ang persons deprived of liberty ay nagpahayag ng kanilang pagnanais na mag-recant o baiin ang kanilang naging testimoniya laban kay De Lima.
Nabatid din sa mosyon na ang testimonial at documentary evidence na inoffer ng Prosekusyon ay gawa-gawa o inimbento lamang.
Sa huli hiniling ni De Lima sa Muntinlupa court na katigan ang kaniyang demurrer to evidence at iabswelto at ideklarang not guilty dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayang siya ay guilty beyond reasonable doubt
Matatandaan na una ng inihain ni De Lima ang demurre to evidence sa Muntinlupa RTC na humahawak sa isa sa 3 kasong inihain ng DOJ noong 2017.
Ang 3 kaso ay orihinal na isinampa laban kay De Lima at iba pa kaugnay sa illegal drug trading subalit kalaunan ay binago ito ng DOJ sa conspiracy to commit illegal drug trading.
Una ng ibinasura ng korte ang 2 sa 3 kaso noong 2021 at 2023.
Noon namang Nobiyembre ng nakalipas na taon, pinagbigyan ng Muntinlupa RTC si De Lima na makapagpiyansa ng P300,000 para sa pansamantalang paglaya nito.