-- Advertisements --
DATING PANGULONG DUTERTE

Walang umanong naging pangako sa ilalim ng Duterte administration na tanggalin ang BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Ito ang naging reaksiyon ng dating executive secretary ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Salvador Medialdea kaugnay sa akusasyon mula sa mga kritiko ni Duterte partikular mula sa progresibong Makabayan bloc na ang dating Pangulo umano ang nakipagkasundo sa China na tanggalin ang barkong pandigma ng bansa.

Giit pa ng dating opisyal na hindi kailanman nagbigay ng ganoong pangako si Duterte kahit pa pabiro at kahit humingi siya ng mas magandang ugnayan kay Chinese President Xi Jinping noong kanyang administrasyon.

Paliwanag pa ni Medialdea na batid ng dating Pangulo na ang BRP Sierra Madre ang simbolo ng ating soberaniya sa lugar.

Bagamat nilinaw ng dating opisyal na hindi niya nakausap pa si Duterte tungkol sa akusasyon, sinabi niya na ang dating punong ehekutibo ay hindi kailanman gumawa ng ganoong mga pangako sa kaniyang pagkakaalala.

Ang akusasyon kay Duterte na nanungkulan bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022 ay bunsod ng kaniyang foreign policy na paglayo sa Estados Unidos na matagal nang kaalyado ng Pilipinas at sa halip ay isinulong ang malapit na ugnayan sa China.

Magugunita na nag-ugat ang isyu sa pagtanggal sa BRP Sierra Madre matapos ang insidente sa Ayungin shoal noong Agosto 5 kung saan hinarang at binombahan ng tubig ng China Coast Guard ang resupply boat ng PH.

Top