-- Advertisements --

Pinaghihinay-hinay ng isang lady solon si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtuligsa nito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa potensyal na implikasyon nito.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin maaaring maging mali ang pagtanggap ng mga Pilipino at ng international community sa mga sinasabi ni Duterte.

“I think with due respect to former President Duterte, minsan kailangan lang na i-decipher kasi even when he was President, sometimes he would make candid jokes, tapos nakakalimutan niya na kaakibat nung kanyang stature, opisyal iyong kanyang nagiging statements,” ani Garin sa isang press conference.

Ginawa ni Garin ang pahayag bilang tugon sa tanong kaugnay ng mga sinabi ni Duterte kasama na ang sinabi nitong nagpapasarap o naglalakwatsa lamang ang Pangulo sa ibang bansa.

Hindi rin inalis ni Garin ang posibilidad na baka joke lamang ang sinabi ng dating Pangulo subalit iba ang naging pagtanggap dito.

“Medyo kailangan ilugar iyong ibang mga jokes,” sabi ni Garin. “But in the context of tama ba o hindi ba, although karapatan niya iyon, baka nagpapatawa siya. Pero iyong bigger impact kasi is not good.”

Ayon kay Garin mayroong kaakibat na responsibilidad ang pagiging dating Pangulo ng bansa dahil sa impluwensya nito sa iniisip ng publiko.

“Because whether you are supportive of the administration or you are against the administration, ang importante doon as former president, titingnan mo, ano ba ang iyong responsibilidad sa bawat katagang ilalabas mo. Dahil bawat katagang ilalabas mo, iisisipin mo as former president, may impact iyan sa taong-bayan,” sabi pa ni Garin.

Umaasa si Garin na iisipin muna ng dating Pangulo ang mga posibleng epekto ng kanyang mga sasabihin sa publiko.
Dagdag pa nito, “Statements like that can actually diminish the respect of other countries to our country. Hindi ang pagkatao ni President BBM ang nate-taint eh, ang nababastos ‘yung pagkatao ng buong Pilipinas, ang Filipino.”