-- Advertisements --

Nilinaw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya kontra kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ginawa ng dating pangulo ang pahayag sa kaniyang pagbisita sa Barangay Pandaitan sa Paquibato district.

Ito ay sa kabila pa ng una ng pagbatikos ng dating pangulo kay Pangulong Marcos sa political rallies sa Mindanao.

Kabilang na dito ang pagsusulong ng Pangulo sa charter change na ayon sa mga proponents ay nakatuon lamang sa economic provisions para mas makahikayat ng mas maraming foreign investment.

Ipinaliwanag din ni dating Pangulong Duterte kung bakit hindi niya inendorso noon si Marcos noong 2022 elections kung saan running mate nito ang kaniyang anak na si VP Sara Duterte.

Ayon kay Duterte hindi niya sinuportahan si Pang. Marcos dahil napagdaanan na nito ang pagiging Presidente at mayroon din umano siyang mga kaibigan na tumakbo noon sa pagkapangulo kayat hindi niya ito inendroso para walang malungkot.

Samantala, una ng ipinagkibit-balikat ni PBBM ang mga kamakailang tirada ng kaniyang predecessor sa idinaos na rally sa Davao kasunod ito ng paglutang ng umano’y secret agreement sa pagitan ng dating Pangulo at China sa hindi pagdadala ng materyales para sa pagkumpuni ng BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Sinabi ni Pang. Marcos sa pagbisita nito sa Washington DC para sa trilateral summit kasama ang US at Japan na hindi kailangang pagtuunan ng atensiyon ang ganitong mga pahayag dahil isang eksperyensadong abogado ang dating pangulo at dapat alam umano nito na ang ad hominem attacks ay walang puwang sa ganitong mga klase ng diskusyon.