Magiging halimbawa umano ang pag-aresto kay dating Negros Oriental Gov. Arnolfo Teves Jr. sa tulong ng Interpol at Timor Leste police force kung papaano aarestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte kapag lumabas na ang kaniyang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) at kapag idadaan din ito sa interpol.
Ito ang inihayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa kaniyang online account na X ngayong araw kasunod ng pag-aresto kay Teves sa Dili, Timor Leste kahapon.
Ayon pa sa dating Senador, obligasyon ito ng isang member State ng Interpol gaya ng Pilipinas.
Katulad aniya ng ginawa kay Teves, hindi na kinuwestyon ang bisa ng red notice o international warrant of arrest na ibinaba ng Interpol sa Timor Leste police kundi agad na aniyang inaresto si Teves.
Matatandaan na una na ring inihayag ni Trillanes na nakakalap umano ang mga imbestigador ng ICC ng sapat na ebidnsiya laban kay dating Pangulong Duterte at maaaring iisyu na ng warrant of arrest laban sa kaniya sa lalong madaling panahon may kaugnayan pa rin sa war on drugs ng dating administrasyon.
Sa ngayon wala pang inilalabas na komento ang panig ng dating Pangulo kaugnay sa mga pahayag ni Trillanes.