-- Advertisements --

Sa unang pagkakataon mula ng matapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte limang buwan ang nakalilipas, muling nasilayan ng publiko ang Pangulo sa isang reunion kasama ang mga miyembro ng kaniyang dating Gabinete.

Tinawag ang pagkikita-kita ng mga opisyal ng Duterte administration na “Night of the Singing Ex-Cabinet Members” sa isang hotel sa Makati city na napuno ng kantahan at konsyerto at hindi din naiwasang pagusapan ang mga isyu sa pulitika, usapin sa West philippine Sea, anti-corruption at anti insurgency sa bansa.

Subalit sa kabila ng masayang muling pagsasama-sama ng mga opisyal, naging emosyonal naman ang dating Pangulo.

Dito ay ibinunyag ng dating Pangulo ang kaniyang kalusugan kung saan nakakaranas siya ng “tremors” o involuntary muscle contraction na humahantong sa panginginig ng parte ng kaniyang katawan dahil sa natamong head injuries noon sa aksidente sa motorsiklo dahil kilalang mahilig mag-motor ang dating Pangulo.

Inamin din ni Duterte na pumapayat na ito at nabatid na nagkaroon ito ng trauma.

Kabilang sa mga Cabinet members ng dating Pangulo na dumalo ay sina former executive secretary Salvador Medialdea Jr., former Department of Information and Communication Technology (DICT) undersecretary Ramon Jacinto, Former labor secretary Silvestre “Bebot” Bello III, Former national security adviser Hermogenes Esperon Jr, former Justice secretary Menardo Guevarra , former tourism secretary at ngayon ay Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Berna Romulo Puyat.

Kasama din ang iba pang Cabinet members ni Duterte na sina Martin Andanar (press), Teodoro Locsin Jr. (foreign affairs), Harry Roque (spokesperson), Benjamin Diokno (Bangko Sentral ng Pilipinas), Alfonso Cusi (energy), Delfin Lorenzana (defense), Francisco Duque III (health), Mark Villar (public works and highways), gayundin sina Senators Imee Marcos, Ronald “Bato” Dela Rosa, at Francis Tolentino, Bong Go at former Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson.