CEBU CITY – Itinalaga ni Cebu City Mayor Michael Rama si dating PNP chief ret. Gen. Debold Sinas bilang bagong adviser ng peace and order council sa lungsod.
Ito ang kinumpirma Rama matapos ang isinagawang flag-raising ceremony sa harap ng city hall.
Sa kanyang maikling mensahe, sinabi ni Sinas na masaya ito matapos makabalik sa Cebu at nangakong susuportahan ang plano ng alkalde na maging “Singapore-like” ang Cebu City.
Samantala, sa panig naman ni Rama tiwala ito sa kakayahan ng four star general na dati nang pinamunuan ang pambansang pulisya.
Matatandaan na bago naging PNP chief, nagsilbi rin si Sinas bilang hepe ng Police Regional Office sa Central Visayas bago napunta sa Metro Manila bilang pinuno ng NCRPO.
Naging kontrobersyal din ang pangalan nito dahil sa mañanita na isinagawa ng kanyang mga tauhan para sa kanyang birthday sa gitna ng mahigpit na quarantine restrictions noong taong 2020.