-- Advertisements --

Aminado si dating Pangulong Noynoy Aquino na mahihirapan ang pamahalaan na makumbinse muli ang publiko sa mabuting epekto ng mga bakuna.

Ito ang tugon ng dating presidente, sa gitna ng mga pagsusulong na ibalik ang distribusyon ng kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Para kasi kay Aquino, hindi madudungisan ang imahe ng naturang bakuna kung hindi ito pinulitika ng ilang opisyal.

“Kung wala naman talagang idinudulot na masama itong gamot na ito ay bakit hindi gamitin? Maibsan man lang ‘yung dalawang ‘yung ndadama ng marami nating kababayan na nasa daang libo nang tinamaan nitong dengue,”ani Aquino.

Kung maaalala, ipinahinto ng pamahalaan ang vaccination program matapos aminin ng manufacturer nito na Sanofi Pasteur na may negatibong epekto ang bakuna sa mga hindi pa nagkaka-dengue.

Sinundan din ito ng sunod-sunod na alegasyon na ilang kabataan umano ang namatay matapos maturukan ng naturang bakuna.

Sa kabila nito, nilinaw ng Department of Health na wala pang siyentipikong basehan ang makapagsasabing nakamamatay nga ang Dengvaxia.

Bukas ang Malacanang sa posibilidad na ibalik muli ang kontrobersyal na bakuna dahil sa biglang lobo ng dengue cases ngayong taon.

Suportado naman ito ni dating Health secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janet Garin.

Ayon sa kongresista, hindi sana aabot sa higit 100,000 ang kaso ng dengue ngayong taon kung itinuloy ng pamahalaan ang paggamit ng bakuna.

Gayunpaman, una ng sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi na muling gagamitin ng pamahalaan ang Dengvaxia.