-- Advertisements --

Naglabas ng opisyal na pahayag si dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga 2nd district Representative Gloria Macapagal Arroyo upang pabulaanan ang pagdawit sa kaniya sa kumakalat online tungkol sa umano’y impeachment plot laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Sa isang pahayag ngayong Miyerkules, Hulyo 8, hayagang sinabi ni Arroyo na boboto siya ng kontra sakaling maghain ng impeachment complaint sa House of Representatoves laban kay Remulla.

Iginiit ng ex-president na ang usapin ng impeachment ay pulitikal at ang pagboto pabor kay Ombudsman Remulla aniya ang kaniyang magiging tugon.

Sinabi rin ni Arroyo na noong sumiklab ang EDSA Dos kusang binakante at hindi kumapit si Remulla sa kaniyang posisyon bilang CESO ASec. sa tanggapan noon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Inalala rin ni Arroyo na tinulungan siya ni Remulla noon na ayusin ang Malacañang at naging kaalyado niya nang maging kongresisita si Remulla sa ilalim ng kaniyang termino bilang Pangulo.

Binanggit din ni Arroyo ang mga naiambag ni Remulla na mahahalagang legislative policy at oversight para sa kaniyang administrasyon.

Kayat, sakali man aniyang mayroong pagtatangka na maghain ng impeachment complaint laban kay Remulla sa Mababang Kapulungan kaniya itong tututulan.