-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ng kampo ni former Department of Public Works and Highways Engineer Henry Alcantara ang usap-usapang ‘recantation’ nito ukol sa flood control scandal.

Ayon sa legal counsel ng naturang dating opisyal na si Atty. Emil Karlo Joven, ang kumalat na impormasyon binawi ni Alcantara ang kanyang testimonya ay hindi totoo.

Itinuring lamang niya ito bilang ‘misleading’ sapagkat wala umanong katotohanan ang pag-recant ni Engr. Alcantara sa mga sinabi ukol sa mga nalalaman sa anomalya ng flood control.

Ibig sabihin aniya’y hindi binabawi ni Alcantara ang kanyang mga pahayag patungkol sa naturang kontrobersiya o isyu ng korapsyon.

Dagdag pa nila’y pumasok na ito sa kasunduan o Memorandum of Agreement sa Department of Justice bilang ‘prerequisite’ para matanggap sa Witness Protection Program.

Habang nakitang muli na dumating sa tanggapan ng kagawaran si former Public Works Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara ngayong araw.

Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang pagpunta nito ay may kinalaman sa nagpapatuloy na proseso ng Witness Protection Program ni Alcantara.

Aniya’y covered witness o provisionally admitted na ito sa programa kung kaya’t normal lamang na magpabalik-balik sa Department of Justice.