-- Advertisements --

Inirekominda ni dating Health Sec. Manuel Dayrit sa pamahalaan na palakasin ang disease surveillance capacity sa buong bansa.

Sa teleconference hearing ng House Deafeat COVID-19 Committee nitong hapon, pinuna ni Dayrit ang sistemang sinusunod ng Department of Health (DOH) at ng Epidemiology Bureua sa gitna ng kinakaharap na krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Lumang-luma na kasi aniya ang sistemang ito dahil ito na ang sinusunod niya 17 taon na ang nakalilipas nang siya ay kalihim pa ng DOH.

Nagkaroon man aniya ng pagbabago rito pero kaunti lamang at kailangan talagang gawin nang moderno.

Isa sa mga maaring gawin aniya ng pamahalaan ay ang pagtatag ng Center for Disease Control and Prevention.

Subalit maging ito ay hindi rin aniya sapat kaya mainam na palakasin at gawing moderno ang laboratory capacity hindi lamang sa National Capital Region kundi maging sa iba’t ibang probinsya sa bansa.

Ito aniya ang dahilan kung bakit matagumpay ang Singapore, South Korea at Taiwan sa pag-contain ng COVID-19.

Malayo aniya ang Pilipinas dito dahil bukod sa luma at “disorganized” ang sistemang sinusunod ng DOH, kulang din talaga ang healthcare workers ng bansa sa ngayon.