Iminungkahi ng isang dating agriculture executive na bawasan ang tariff rates sa imported na bigas para mapababa ang presyo ng bigas sa bansa sa halip na magpatupad ng price cap.
Ayon kay Fermin Adriano, dating DA undersecretary policy, planning and research, kailangan umangkop ng bansa sa paglalaro ng supply at demand ng produkto.
Aniya, mas magandang patakaran na dapat ipatupad ay ang pansamantalang pagtanggal o pagbabawas ng taripa sa bigas mula 35% hanggang 10%.
Idinagdag pa ito na ang imported na bigas ay ang dapat sisihin sa pagtaas ng presyo nito.
Kung matatandaan, noong Setyembre 1, naglabas ang Malacañang ng executive order na nagtatakda ng price ceilings para sa bigas sa buong bansa.
Itinakda ng Executive Order 39 ang price cap para sa regular milled rice sa ₱41 per kilo at para sa well-milled rice sa ₱45 per kilo.
Una nang nanawagan ang mga mangangalakal ng bigas na ipagpaliban ang pagpapatupad ng kautusan upang payagan ang mga negosyante na ibenta ang natitirang stock ng bigas na kanilang binili sa mas mataas na presyo.