Mananatili muna sa ngayon sa ilalim ng kustodiya ng Timor Leste police si dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.
Ito ang inihayag ng National Bureau of Investigation kasunod ng matagumpat na pagkaka-aresto ng mga otoridad ng Timor Leste kay Teves habang siya ay naglalaro ng golf sa Dili, Timor.
Ayon kay NBI Director Medardo de Lemos, sa ngayon, mananatili muna sa kustodiya ng Timor Leste police ang dating kongresista habang inaasikaso nila ang kaniyang deportation pabalik sa Pilipinas.
Sa ulat, tumatanggal ng hanggang 40 araw ang deportation proceedings sa Timor Leste ngunit umaasa naman ang NBI at DOJ na mas mapapabilis pa ang proseso nito dahil na rin sa kaniyang mga kinakaharap na kaso.
Samantala, sa kabila nito ay sinabi naman ni de Lemos na ang pagkaka-aresto na ito kay Teves ay bunga ng matagal nang pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga counterpart.
Kasunod nito ay nakipagpulong din ang grupo ng NBI operatives kay Timor Leste President Jose Ramos-Horta para naman personal na magpapaabot ng pasasalamat sa tulong na ipinaabot ng kaniyang gobyerno sa pag-aresto kay Teves.
Ang pag-aresto na ito sa dating mambabatas ay kasunod ng pagsasailalim sa kaniya ng International Criminal Police Organization sa red notice na humihiling sa lahat ng mga law enforcement sa buong Mundo na hanapin at hulihin ang isang akusado.
Matatandaang si Teves ay nahaharap ngayon sa mga kaso ng murder, frustrated murder, at attempted murder kaugnay sa madugong pamamaslang kay dating Negros Orriental Gov. Roel Degamo at iba pang mga indibiwal noong Marso 4, 2023, gayundin sa tatlong iba pa sa kaniya umanong mga ipinapatay sa naturang lalawigan noong taong 2019.