MANIL – Inirekomenda ng legal service ng Department of Agriculture (DA) ang paghahain ng kaso laban sa dating head ng Bureau of Animal Industry (BAI) hinggil sa umano’y pagbibigay ng permits na nagpapahintulot sa pag-aangkat ng karne ng baboy mula sa mga bansang apektado ng African swine fever (ASF).
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, sinabi ni Atty. Armando Crobalde Jr. ng DA legal service na inendorso na nila ang paghahain ng corruption at administrative charges sa Presidential Anti-Corruption Commission laban kay dating BAI director Dr. Ronnie Domingo.
Nag-ugat ang mga kaso na ito sa alegasyon na noong si Domingo pa ang chief ng BAI ay naglabas pa rin sila ng sanitary and phytosanitary import clearance (SPSIC), na nagpapahintulot sa pag-aangkat ng karne ng baboy mula sa bansang apektado ng ASF tulad ng Belgium, Hungary, Germany, at China.
Ito ay kahit pa makailang ulit nang naglabas ng memorandum orders si dating Agriculture Secretary Emmanuel Piñol hinggil sa pagbabawak nang pagpasok ng mga pork imports mula sa naturang mga bansa.
Pero kinuwestiyon ni Sen. Francis Pangilinan kung bakit hindi naman direktang naghain kaagad administrative charges ang DA laban kay Domingo.
Iginiit nito na dapat sa ahensya mismo manggagaling ang administrative charges, at hindi mismo sa iba pang mga ahensya.
Dumipensa naman si Crobalde at sinabi na mayroong existing executive order mula sa Presidente na nagsasabing ang mga presidential appointees ay subject sa imbestigasyon at review ng PACC sa mga kasong may kaugnayan sa korapsyon at administrative issues.










