-- Advertisements --

Agad na sasali sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) si Eumir Marcial matapos ang homecoming fight nito sa araw ng Sabado, Marso 23.

Ayon sa ABAP na patatapusin muna nila ang isang professional fight ni Marcial laban kay Thoedsak Sinam ng Thailand na gaganapin sa Ninoy Aquino Statdium sa Maynila bago ang puspusang paghahanda sa Paris Olympics.

Si Marcial kasi ang naging unang PInoy boxer na nag-qualify sa Paris Olympics matapos ang finals sa kaniyang weight division sa 19th Asian Games noong Setyembre 2023.

Sinabi ni ABAP secretary-general Marcus Manalo na makakasama ni Marcial sa kanilang training ang ilang mga boksingero ng bansa gaya nina Nesthy Petecio, Aira Villegas, Carlo Paalam at Rogen Ladon.

Matapos ang ilang araw ay lilipad ang mga boksingero sa Thailand at US para doon ipagpatuloy ang kanilang mga training sessions.

Magugunitang pasok na sa Paris Olympics sina Petecio, Villegas at Marcial habang sina Paalam, Ladon at ilang mga boksingero ay may mga lalahukan pang Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Thailand sa buwan ng Mayo.