Iginiit nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Joel Villanueva na hindi sila nababahala sa mga inirerekomendang kasong plunder at iba pa laban sa kanila sa ulat ng Senate Blue Ribbon Committee na pinangunahan ni Senador Panfilo Lacson kaugnay ng imbestigasyon ng maanomaliyang flood control projects.
Kasama rin sa inirerekomendang kasuhan si Senador Francis “Chiz” Escudero.
Nanindigan naman si Sen. Estrada na wala siyang kinalaman sa umano’y ghost projects at wala rin siyang sama ng loob kay Sen. Lacson.
Kumpiyansa naman si Sen. Villanueva na mananaig ang katotohanan at handang ipagtanggol ang sarili, kasabay ng pahayag na wala pa ring pormal na kasong isinampa laban sa kanya.
Binigyang-diin din ni Villanueva na hindi hukuman ang Blue Ribbon Committee at wala itong kapangyarihang magdeklara ng may sala.
Samantala, hindi pinirmahan ni Estrada ang ulat dahil ito ay hindi pa pinal.
Sa kasalukuyan kasi, pitong lagda pa lamang ang nakukuha ng ulat mula sa siyam na kinakailangan upang maiprisinta ito sa plenaryo ng Senado.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Senador Escudero hinggil sa usapin.
















