-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ni Executive Secretary Ralph Recto ang mga haka-haka at paninira patungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng pagbibida sa walang-patid na pagtatrabaho ng punong ehekutibo para sa bansa.

Sa isang aktibidad sa lalawigan ng Batangas na dinaluhan mismo ng Pangulo, diretsahang sinagot ni Recto ang mga isyung kumukuwestiyon sa pisikal na kakayahan ng Punong Ehekutibo.

Ayon sa kalihim, malinaw na nagpapakita ng malakas na liderato si Marcos na malayong-malayo sa inilalarawan ng mga kritiko.

Binigyang-diin ni Recto na ang Pangulo ay nasa maayos na kondisyon—hindi gumagamit ng wheelchair, walang tungkod, at hindi uugud-ugod, taliwas sa mga malisyosong impormasyon na ipinapakalat ng iilan.

Bilang patunay sa sigla ng Pangulo, idinetalye ng Executive Secretary ang araw-araw na schedule nito mula umaga hanggang gabi.

Ayon kay Recto, nagsisilbing alarm clock niya ang Pangulo dahil sa maagang pagtawag at pagpapadala ng mensahe patungkol sa trabaho, na minsan ay umaabot pa hanggang sa oras ng pagtulog.

Sa loob naman ng Malacañang, inilarawan ng kalihim na akyat-panaog ang Pangulo dahil sa kaliwa’t kanang mga opisyal na pulong, bukod pa sa mga aktibidad nito sa labas ng Palasyo.