-- Advertisements --
el nino

Inaasahang minimal lamang ang magiging epekto ng El Niño weather phenomenon sa inflation o presyo ng mga pagkain at sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillon, hindi nakikita ang malaking negatibong epekto ng El Nino lalo na kapag maayos na napaghandaan ito ng pamahalaan at batid na rin aniya ng publiko kung paano ito paghahandaan dahil laging nakakaranas ng naturang weather phenomenon ang ating bansa.

Maganda rin aniya na mayroong binuo na Task Force on El Nino upang mapag-usapan ang mga interventions na maaaring gawin.

Saad pa ng opisyal na ngayon pa lamang dapat na magtipid na sa paggamit ng tubig.

Una rito, binawasan na ng ilang water concessionaires ang alokasyon ng suplay ng tubig sa irigasyon upang maprayoridad ang domestic use na wala naman umanong malaking epekto.

Iniulat naman ng National Irrigation administration (NIA) na ang mga lugar sa Ilocos region at Visayas region ang maaaring maapektuhan ng kawalan ng sapat na patubig sa mga irigasyon kasunod ng pagbabawas ng alokasyong tubig para sa mga irigasyon.