Nagdulot nang pag-aalala sa publiko ang dulot ng coronavirus pandemic lalo na para sa mga tribo mula sa iba’t ibang parte ng mundo.
Ito’y matapos kumpirmahin ng Brazil’s Ministry of Health ang pagkamatay ng isang 15-anyos na lalaki, isang Yanomami, mula sa liblib na tribo ng Amazon.
Nabatid na noong Abril 3 ay dinala ang menor-de-edad sa intensive care unit (ICU) ng Roraima General Hospital na matatagpuan sa Roraima state. Hindi naman inilabas ng naturang ospital ang rason sa pagkamatay ng binata.
Ayon sa health minister ng Brazil, nagpositibo ang binata sa COVID-19.
“Today we had a confirmed case in the Yanomami, which concerns us a lot. This is a government concern for indigenous health,” saad nito.
Ang mga Yanomami ay nakatira sa mga rainforest at kabundukan na matatagpuan sa Hilagang bahagi ng Brazil at Timog bahagi ng Venezuela.
Sa isinagawang pagsasaliksik ng Survival International, isang organisasyon na isinusulong ang karapatan ng mga indigenous tribes, ang Yonamami tribe ang mga pinaka-malaking bilang ng tribo sa South America.
Tinatayang aabot sa 38,000 Yanomami ang mayroon sa kasalukuyan.
Ayon sa Socio-Environmental Institue (ISA) posibleng kumalat ang nakamamatay na virus sa naturang tribo sa pamamagitan ng mga nagmimina na iligal na nakapasok sa kanilang teritoryo.