-- Advertisements --
Rep. Joey Sarte Salceda press briefing

Isinusulong ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda na mapasama ang “enhanced Build, Build, Build” sa economic stimulus strategies ng pamahalaan.

Iginiit ni Salceda, co-chairman ng Economic Stimulus Cluster ng Defeat COVID-19 Committee, na isa sa aniya’y “most powerful economic stimulus tools” ang imprastraktura lalo na kung matatapos ito kaagad sa itinakdang panahon.

Kaya inirekominda ni Salceda sa kongreso na aprubahan na rin ang kanyang Build, Build, Build emergency powers proposal para mapabilis ang mga high-value projects ng pamahalaan.

Sa kada P200 billion na iginagastos sa imprastraktura, sinabi ni Salceda na aabot sa 463,000 trabaho ang nagagawa dito.

Kaya ito ang inaasahan din aniya nilang paraan upang maiwasan ang job losses na posibleng mapala dahil sa COVID-19 pandemic.

Binigyan diin din ng kongresista na aabot ng hanggang 3.66 ang economic multiplier ng imprastraktura.

Nangangahulugan ito na sa kada pisong ginagastos para sa infrastructure project ay karagdagang isang piso ang nalilikha o sa consumption at investment.

Sa ngayon, nakabinbin sa Kongreso ang House Bill No. 6619 o ang National Stimulus Strategy Act na iniakda mismo ni Salceda.

Layon ng panukalang ito na bigyan ng karagdagang P650 billion na pondo para sa infrastructure projects sa loob ng tatlong taon.

Nakapaloob din dito ang malawak na social subsidy, smal business subsidy, at strategies para sa enhanced community quarantine.