Pinatitiyak ng Department of Energy (DOE) sa stakeholders at iba pang sakop ng kanilang sektor na hindi maaapektuhan ang mga serbisyo, gayundin ang paglabas-masok ng energy resources sa Metro Manila dahil sa ipapatupad na community quarantine.
Sa inilabas na memorandum ni Energy Sec. Alfonso Cusi, sinabi ng kalihim na may basbas mula sa tanggapan ni Executive Sec. Salvador Medialdea ang pagsisigurong maluwag pa rin ang importasyon at pagbi-biyahe sa mga produktong petrolyo.
Maging ang delivery ng kagamitan para sa maintenance ng mga pasilidad ng langis.
“Importation and domestic transportation of fuel such as diesel, fuel oil, natural gas, coal and lubricants shall be allowed and remain unrestricted.”
“Importation and domestic transportation of spare parts needed to build, operate and maintain energy infrastructure including energy exploration, development, generation, transmission, distribution, and energy retail shall likewise be allowed.”
Lahat naman ng empleyado ng DOE, kabilang na ang security, technical at support staff ay pinaalalahanan na dalhin ang kanilang IDs para hindi magkaroon ng sagabal sa delivery ng energy services.
Nilinaw ng Energy department na papayagang makapasok ng bansa ang kanilang foreign service providers na manggagaling mula sa restricted countries basta’t susundin ang ipinatutupad na protocol ng Department of Health.