Hindi makakaapekto sa magiging desisyon ng House Committee on Justice ang endorsement ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marco Barba sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Sa isang media forum, sinabi ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, na tumatayong vice chairman ng justice panel, na ang kanilang magiging desisyon ay base lamang sa merito ng mga alegasyon laban kay Leonen.
Wala aniyang magiging epekto rito ang pagiging mag-pinsan nina Barba at dating Sen. Bongbong Marcos, na nagpapa inhibit kay Leonen sa kanyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Ganito rin ang naging pahayag ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, isa rin sa mga vice chair ng justice panel.
Sinabi ni Rodriguez na karapatan ng sinuman ang maghain ng impeachment complaint, pati rin ang pag-endorso rito ng sinumang kongresista.
Sa oras na maihain ang impeachment complaint, trabaho na aniya nilang mga kongresista na suriin kung papasa ba ang form at substance nito bago naman nila ito didinggin.