KALIBO, Aklan – Hinangaan ang isang office secretary makaraang magpakita ng katapatan sa gitna ng matinding krisis dahil sa kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Ito ay matapos na isauli ni Lara Melissa Zapico ang napulot na pouch bag na naglalaman ng mahigit sa P29,000 at ilang dolyar.
Kwento ni Zapico, habang nasa labas ng kanilang opisina nang makita niya ang pouch bag sa kalsada sa bahagi ng Barangay Estancia, Kalibo, Aklan.
Agad niya itong dinala sa Kalibo Municipal Police Station at natunton naman kaagad ang may-ari kaya naibalik ang naturang pouch bag.
Pag-aari pala ang bag ni Zea Julianne Billones Arboleda ng Balete, Aklan na labis-labis ang pasasalamat kasama ang kanyang asawang si Mel Jan kay Zapico.
Aniya, habang nakasakay sa motorsiklo ay hindi napansin ng kanyang mister na nakabukas ang bag nito at hindi namalayang nahulog ang pouch bag ng kanyang misis.
Mahalaga aniya ang naturang pera para sa kanilang pangangailangan.
Umaasa ang mag-asawang Arboleda na magsilbing inspirasyon si Zapico ngayong naghihikahos ang lahat dahil sa krisis.










