-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine national weather agency (PAGASA) na may mataas na tsansa na mabuo ang isang El Niño phenomenon sa Tropical Pacific na posibleng tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.

Ayon sa PAGASA, lumampas na sa +0.5°C ang sea surface temperature anomaly noong Mayo 2026, na isa sa mga senyales ng pag-buo ng El Niño. Batay rin sa climate models, mahigit 80% ang posibilidad na tuluyang lumakas ito at maging full-blown El Niño.

Ang El Niño ay isang weather pattern kung saan umiinit ang bahagi ng karagatan sa Pacific Ocean. Dahil dito, kadalasang nagdudulot ito ng mas kaunting ulan sa maraming bahagi ng bansa, na maaaring magresulta sa tagtuyot o dry spell.

Gayunpaman, ayon sa PAGASA, maaari pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan ang Pilipinas, lalo na sa kanlurang bahagi ng bansa, kapag tumama ang Southwest Monsoon o Habagat—na maaari pang lumakas kapag may tropical cyclone.

Nauna nang inanunsyo ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan, ngunit nagbabala rin ito na may mataas na posibilidad na magkasabay ang Habagat at posibleng ”Super El Niño” mula Hunyo hanggang Agosto ngayong taon.

Dahil dito, pinapayuhan ang mga lugar na madalas bahain at mga lugar na prone sa tagtuyot na maghanda at mag-ingat sa posibleng epekto ng pabago-bagong panahon.