Hinikayat ng isang Infectious disease expert ang publiko na magpabakuna na ng booster dose at ipagpatuloy pa rin ang pagsusuot ng face mask para magkaroon ng magandang Pasko ngayong taon.
Ayon kay Dr. Edsel Salvana, ang mga kaso ng covid-19 kamakailan ay nag-plateau matapos ang bahagyang pagtaas sa nakalipas na linggo sa gitna ng pagluluwag ng face mask mandate at pagpapatuloy ng face to face classes.
Binigyang diin din ni Dr. Salvana na ang proteksyon na naibibigay ng booster shots kung saan nasa apat lamang na indibidwal mula sa mahigit 16,000 bagong nainfect ng virus ang naitala sa nakalipas na linggo ang nauri bilang bagong severe at critical cases.
Kayat pakiusap ng eksperto sa publiko na magpa-boost na upang hindi na muling tumaas pa ang mga kaso at kung sakali man na tumaas ay mananatili aniyang mababa ang bilang ng severe cases o malalang kaso ng covid-19.
Hinimok din ni Salvana ang mga indibidwal lalo na ang vulnerable sector na panatilihin pa rin ang pagsusuot ng face mask sa outdoors kahit na ginawa na itong boluntaryo.
Masyado pa aniyang maaga para masabi na ayos ng hindi magsulot ng face mask kapag nasa labas dahil hindi pa lampas aniya doon sa panahon na nakikita ang full effect ng pagtatanggal ng mask lalo na sa populasyon na nasa panganib na mahawa ng virus.