Hinimok ni Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gamitin ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) upang ihayag ang mga kongkretong hakbang sa paglutas ng mga pangunahing suliranin ng bansa, sa halip na mga panibagong pangako.
Ayon kay Ejercito, inaasahan ng publiko na sa nalalabing dalawang taon ng administrasyon ay magpapakita na ito ng mga resulta, partikular sa kampanya laban sa korapsyon sa mga flood control projects, pagpapababa ng gastusin ng mga Pilipino, at pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan.
Iginiit ng senador na dapat papanagutin ang mga sangkot sa umano’y katiwalian sa flood control projects upang maibalik ang tiwala ng publiko sa paggasta ng pamahalaan sa imprastraktura. Kasabay nito, muli niyang isinulong ang pagpasa ng panukalang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Bill upang magkaroon ng pangmatagalang plano sa mga infrastructure project.
Umaasa rin si Ejercito na iaanunsyo ng Pangulo ang pagpapalawak ng benepisyo ng PhilHealth upang mas malaki ang masagot nito sa gastusin sa ospital, gayundin ang mga hakbang upang mapababa ang presyo ng kuryente, transportasyon, pagkain at iba pang pangunahing gastusin.
Bukod dito, inulit din ng senador ang kanyang panawagan na awtomatikong suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo sa panahon ng matinding pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, bilang paraan upang maibsan ang epekto nito sa mga mamimili at sa ekonomiya.
















