Ginulat ng Ecuador ang Germany sa kanilang paghaharap ngayong araw (Hunyo 26) matapos talunin ang itinuturing na football powerhouse, 2-1.
Dinanas ng Germany ang upset sa kabila ng maagang goal ng striker na si Leroy Sané, na nakapuntos sa ikalawang minuto pa lamang ng laban.
Mabilis namang nakabawi ang La Tri nang makapagtala ng goal ang winger na si Nilson Angulo sa ika-9 na minuto upang itabla ang iskor sa 1-1.
Naging pisikal ang sumunod na mga minuto habang parehong matindi ang depensa ng dalawang koponan.
Pagsapit ng ika-77 minuto, naipasok ni Gonzalo Plata ang bola sa net ng Germany mula sa malapitang distansya.
Ang naturang goal ang nagselyo sa laban matapos mabigo ang parehong panig na makapagdagdag pa ng puntos hanggang sa pagtatapos ng ikalawang half.
Dahil sa panalo ng Ecuador laban sa powerhouse na Germany, muling nabuhayan ng loob ang South American team na makapasok sa Round of 32 bilang isa sa pinakamahuhusay na third-placed teams.
















