-- Advertisements --

Umapela ang environmental group na EcoWaste Coalition (EWC) sa mga kandidato na ‘wag ng magdagdag ng mga basura na posters o tarpaulins lalo na sa nalalapit na Valentine’s Day.

Ang naturang mga pagbati raw kasi na isinasabit na mga tarpaulins ay nagpapadagdag lamang sa mga campaign-generated wastes.

Ayon kay Zero Waste Campaigner Jove Benosa, kung tutuusin hindi na pinapansin ng mga botante ang mga happy Valentine tarpaulins.

Sa halip aniya na magdagdag ng mga basura ang mga politiko, dapat maglunsad na lamang ng mga programa o public service sa mga platform para sa promosyon ng pagpapaganda ng kalusugan at pag-aalaga sa kalikasan.

Inihalimbawa pa ng grupo na liban sa magastos ang mga tarpaulins ito rin ay gawa sa polyvinyl chloride (PVC) plastic, na merong taglay na toxic chemical additives tulad ng cadmium-bearing stabilizers.

Sinabi pa ng environmental group ang sangkaterbang mga tarpaulins na ginamit noong taong 2013 at 2016 elections ay nagtataglay ng cadmium — isang cancer-causing chemical.