Hinikayat ng EcoWaste Coalition ang mga local government units (LGUs) na kaagad maglunsad ng inspeksyon sa mga ice at cold storage plants sa kanilang nasasakupan kasunod ng ammonia gas leaks sa Navotas at Batangas.
Nababahala umano ang grupo dahil sa panganib na dulot ng naturang kemikal sa kalusugan ng publiko.
Ayon kay Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng Ecowaste Coalitionb, pinaiinspeksyon nito ang mga ice at cold storage facilities upang maiwasan ang chemical accidents sa hinaharap.
Kailangan umano rito ang partisipasyon ng mga frontline communities dahil sila ang pinaka-apektado sa oras na magkaroon ng chemical leaks o spills.
Ang ammonia, partikular na ang anhydrous ammonia, ay isang common refrigerant na ginagamit sa mga commercial at industrial facilities tulad ng ginagamit sa paggawa ng yelo, dairy products manufacturing at cold storage.
Batay sa material safety data sheets, ang pagkakaroon ng exposure sa ammonia ay maaaring magdulot ng irritation sa ilong, lalamunan, respiratory tract, mata at balat. Posible rin itong magdulot ng pagkahilo sa mga biktima.
Noong Pebrero 3 ay naitala ang ammonia gas leak sa isang ice plant sa Navotas City na nag-iwan ng dalawang patay at nasa 100 katao naman ang dinala sa ospital.
Inilikas din ang nasa 3,000 residente na naninirahan malapit sa nasabing ice plant.