Hindi pa rin nagkakasundo ang economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang Kamara sa pagkukuhanan ng pondo para sa itinutulak na P405.6-billion halaga ng lifeline measures sa ilalim ng proposed Bayanihan 3.
Sinabi ito ni House Committee on Economic Affairs chairman Sharon Garin matapos na aprubahan ng kanyang komite kaninang umaga ang substitute bill para ikatlong economic stimulus sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, sinabi ni Garin na hirap ang economic managers sa kabuuang halaga ng lifeline measures na nakapaloob sa ilalim ng ng Bayanihan 3.
Base sa inaprubahang substitute bill ng komite, ang Bayanihan 3 ay hahatiin sa tatlong Phase.
Ayon kay Garin, ang Phase 1, na maglalaman ng P167 billion ang pinakamahalaga sapagkat gagamitin ito sa cash assistance para sa 108 million na Pilipino, cash for work program at iba pang uri ng ayuda.
Ang pondo para sa Phases 2 at 3 ay mananatili naman bilang stand-by funds, na dedepende pa sa certificate of availability of funds na ibibigay ng Bureau of Treasury.
“We will see kung anong certification ang maibibigay ng BTr then we will put that in the bill and the rest that is not covered we will put as standby fund,” ani Garin.
Sinabi naman ng isa sa may-akda ng Bayanihan 3 na si Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo na “committed” din naman ang economic team ng Pangulo sa paghahanap ng pondo para sa mga programa sa ilalim ng bayanihan 3.
Sa ilalim ng panukala nakasaad na isa sa mga sources ng pondo ay ang manggagaling sa unprogramed funds at savings sa 2021 General Appropriations Bill.
Bukod dito, maari ring gamitin ang savings sa Bayanihan 1 at 2, excess revenue collections, mga bagong revenue collections, unutilized o unreleased balances sa special purpose funds, remittances mula sa dividends ng GOCSS, at unused appropriation para sa debt servicing.










