-- Advertisements --
image1

Pinangunahan ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla ang paglulunsad ng Barangay E-Governance and Information Network (BEGIN) na siyang gagamitin ng 73 barangay sa lungsod para sa “new normal” na pamamaraan ng serbisyo publiko.

Ang BEGIN ay gagamitin ng mga barangay para sa gawin ang monitoring, databasing at survey. Uumpisahan ang BEGIN para sa survey at registration ng mga Bacooreño na nais magpabakuna ng Covid-19 vaccine.

Magagamit din ito sa disaster response operations, pagpapatupad ng National ID system at maging ang paghahatid ng mga social services sa mga Bacooreño.

“Marami sa atin ang nanibago at ang iba ay nahirapan na umangkop sa new normal way of governance natin na ito pero ang maganda hindi tayo tumitigil na matuto. Bukas tayo sa mga bagong kaalaman at teknolohiya para mas maging epektibo, mabilis at ligtas ang ating paghahatid serbisyo sa ating mga kababayan,” pahayag ni Mayor Lani Mercado-Revilla.

“Nandyan na ang pandemya, ganito na ang kalagayan natin sa ngayon. Imbes na maubos ang ating lakas, talino, oras at resources para problemahin ito nang hindi naman natin nalulutas o nasosolusyunan, let’s move on. Let’s continue to live. Let’s continue to serve. Tayong mga namumuno ay mas higit na kailangan ng ating mga kababayan sa ngayon. Sa atin magmumula ang solusyon. Sa atin magmumula ang makabagong paraan ng paglilingkod,” dagdag pa ng alkalde.

Ayon pa kay Mayor Lani, malaking hakbang aniya ito para sa pagkakamit ng planong maging Smart City ng Lungsod ng Bacoor. Matapos na mailunsad ang BOSS Online o Bacoor One Stop Shop para sa online payments ng mga buwis sa City Hall, ngayon naman ang lahat ng mga barangay sa buong lungsod ay umangkop na rin sa digital way of governance.

“Malugod kong binabati ang bawat isa sa atin dahil ngayong araw pa lamang ay dinedeklara na nating tagumpay ang Proyektong BEGIN. Dahil isang malaking hakbang ito patungo sa E-Governance o Smart City na ating minimithi. At patuloy itong magtatagumpay dahil magiging katuwang na natin ang bawat Bacooreño sa pagpapatupad ng proyektong ito,” ani Mayor Revilla.

Samantala, aarangkada na ang nasa 500 enumerators dala ang kanilang mga tablets para magamit ang BEGIN sa buong lungsod. Magsisimula nang mag-house to house ang mga ito para masimulan na ang online registration at survey para sa Covid19 Vaccine at iba pang serbisyo ng Lokal na Pamahalaan ng Bacoor.