-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naniniwala ngayon ang isang local political analyst ng grupong Citizens Watch for Good Governance (CWGG) na tila naiipit ang Pangulong Rodrigo Duterte sa mga retirado at aktibong military maging police generals.

Ito ay sa kabila ng mga ginawa na pagsisikap ni Duterte na makapagbigay ng sapat na serbisyo publiko alinsunod sa mga isinusulong na mga palisya at mga programa para sa bansa.

Ginawa ni CWGG convernor Atty Antonio Soriano ang pahayag kaugnay sa natuklasan na malawakang kurapsyon sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na basehan pansamantala ipinatigil ang gaming activities noong nakaraang linggo.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Soriano na maituturing na mayroong sabwatan ang military at police generals sa magkaibang ahensiya upang maiipit si Duterte.

Ibinatay rin ng abogado ang kanyang pananaw sa mismong ibinulgar ng pangulo na ilan sa mga retiradong heneral ang nasangkot sa illegal gambling operations kaya lumala ang kurapsyon sa PCSO.

Kung maalala nagkainitan noon si dismissed PCSO General Manager retired army general Alexander Balutan at board of director Sandra Cam dahil sa isyu pa rin ng kurapsyon.

Ito ang dahilan na kumilos agad ang Presidential Anti-Corruption Commission para isailalim ang lahat ng kasalukuyan at dating PCSO officials sa life style check upang alamin kung mayroong kinasangkutan na kurapsyon ang mga ito.