Nais kausapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritiko na nagsasabing napigilan nila ang korapsyon sa pagbili ng pamahalaan nang bakuna kontra coronavirus.
Sa kanyang national address kagabi, muling binigyan diin ni Pangulong Duterte na walang bahid nang katiwalian sa transaksyon ng pamahalaan sa anumang kompanyang gumagawa ng COVID-19 vaccines.
“Mag-usap nga tayo. ‘Yong tayo lang. Kung sino nagsabi niyan, please rise and be brave enough that you’re the one. I’d like to talk to you,” ani Duterte.
“Tayo lang dalawa. Miski saan mo gusto, sa bahay mo para medyo maganda ang usapan o hindi sa labas kasi bawal. You can do it there in the house,” dagdag pa nito.
Nauna nang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson sa isang tweet na ang imbestigasyon ng Senado sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan ay maaring nakatulong upang sa gayon ay hindi matuloy ang katiwalian sa pagbili nang mga bakuna.
Ayon kay Lacson, maaring mayroong korapsyon sa pagbili ng pamahalaan nang mga bakuna na gawa ng Sinovac Biotech ng China, lalo pa at malaki aniya ang pagkakaiba ng presyo ng bakuna sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa.










