-- Advertisements --

Hinihikayat ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang gobyerno na kaagad aksyunan ang pagpaslang sa 54 abogado simula nang maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.

Ginawa ng IBP ang apela sa pamamagitan ng sulat na ipinadala sa opisina ng Presidente at ni Vice President Leni Robredo.

Ito’y makaraang kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) ang pagkamatay ng nawawalang dating Court of Appeals Justice na si Normandie Pizarro.

Ayon sa IBP, bilang parehong abogado sina Duterte at Robredo ay batid din nila ang kasalukuyang lagay ng mga abogado sa bansa.

Ang panawagan aniya na ito ay hindi lamang para sa mga napaslang na abogado, naiwang pamilya ngunit pati na rin ang matagal nang pagtitiis ng bansa sa mga krimen na hindi nabibigyan ng hustisya.

Naglunsad na ang IBP ng Lawyer Justice and Security Program na binubuo ng formal agreements kasama ang mga otoridad, lawyer security training and assistance, legal assistance at P25 million na pondo para sa mga crucial information at saksi na ngangailangan ng mga abogado.

Saad pa ng IBP, simula noong ilunsad ang naturang programa ay nakikitaan nila ito nbg positibong resulta lalo na sa pagpatay sa dalawang abogado na sina Eric Magcamit ng Palawan at Joey Luis Wee ng Cebu City.