Nagbabala ang isang maritime law expert hinggil sa posibilidad na maharap sa impeachment complaint si Pangulong Duterte kapag tuluyan nitong hinayaan na maglayag sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea ang mga mangingisdang Chinese.
Sa isang panayam sinabi ni University of the Philippines professor Dr. Jay Batongbacal maituturing na unconstitutional ang punto ng pangulo sa nakaraang pahayag nito dahil malinaw ang nilalaman ng inamiyendahang Republic Act No. 8550 o Philippine Fisheries Code.
Nakasaad daw kasi dito na mandato ng pangulo na protektahan ang teritoryo at natural resources ng estado mula sa interes ng ibang bansa.
Posible rin umano na maghudyat ito para hindi na kilalanin ng iba pang estado ang karapatan ng Pilipinas sa loob ng 370-kilometer EEZ.
Bukod sa pangulo, mahaharap din daw sa kaso ang mga ahensya ng gobyerno na mapapatunayang tumugon pabor sa pahayag ng pangulo.
Kamakailan nang ihayag ni Duterte ang statement bilang sagot sa mga panawagang ipa-ban sa teritoryo ng Pilipinas ang mga mangingisdang Chinese.