-- Advertisements --

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na mag-take-over sa imbestigasyon sa pagpatay kay Clarin, Misamis Occidental mayor David Navarro.

Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Duterte na para patas, bibitawan at ititigil na ng PNP ang kanilang imbestigasyon.

Ayon kay Pangulong Duterte, dapat i-turnover na ng PNP sa NBI ang lahat ng hawak nilang dokumento.

Kasabay nito, inamin ni Pangulong Duterte na supporter niya noong nakaraang eleksyon si Navarro na nauna ng napasama sa kanyang hawak na druglist.

Magugunitang noong nakaraang linggo tinambangan si Navarro sa Cebu City habang ine-eskortan ng mga pulis para dumalo sana sa inquest ng piskalya kaugnay sa umano’y pambubugbog at pambabastos sa masahista sa Cebu.