-- Advertisements --

Ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte kay South Korean President Moon Jae-in ang pasasalamat kaugnay ng tulong na ipinagkaloob ng South Korea sa mga biktima ng lindol sa Mindanao na umaabot ng $100,000.

Ginawa ng Pangulong Duterte ang pagpapaabot ng pasasalamat sa kanilang bilateral meeting ni President Moon sa sidelines ng ASEAN-Republic of Korea Commemorative Summit.

Kasabay nito, tiniyak din ni Pangulong Duterte kay Moon ang patuloy na pagiging mag-partner ng Pilipinas at South Korea sa pagtataguyod ng kapayapaan at katatagan sa ASEAN region, gayundin ang lalo pang pagpapalakas ng bilateral relations ng dalawang bansa.

Ibinida rin ni Pangulong Duterte ang patuloy na paglakas ng ekonomiya ng Pilipinas kasabay ng pagmamalaki rin ng trade relations ng South Korea at Pilipinas.

Inihayag ni Pangulong Duterte na ika-apat ang South Korea bilang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas noong 2018 na kung saan ay nasa $13 billion ang inabot ng trading deal ng dalawang bansa.