-- Advertisements --

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang send-off ceremony sa Joint Task Force Pagpauli o ang Naval Team na pupuntang Middle East para iuwi ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Ang nasabing Philippine contingent ay sakay ng BRP Davao Del Sur (LD 602) at BRP Ramon Alcaraz na kinabibilangan ng nasa 420 Navy officers at enlisted personnel.

Inaasahang makakarating sa Jeddah, Saudi Arabia ang grupo makalipas ang 25 araw na paglalayag, kasama na ang lay-over at re-fueling and reflenishment sa Sri Lanka.

Ang BRP Davao del Sur ay kayang magkarga ng 700 OFWs at 200 Naval staff habang ang BRP Ramos Alcaraz ay may capacity na aabot sa 500.

Sa kanyang send-off message, sinabi ni Pangulong Duterte na ipinagdarasal nito ang ligtas na paglalayag ng Task Force at bawat galaw nila ay kanyang imo-monitor.

Kung sakali raw kailangan, handa siyang pumunta at samahan sila para lang matiyak na maging tagumpay ang kanilang misyon.