CLARK, Pampanga – Si Senator Aquilino “Koko” Pimentel ang nakikita ni Pangulong Rodrigo Duterte na totoong nagkamali kung bakit nagkawatak-watak ang PDP-Laban (Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan).
Matapos pangasiwaan ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng PDP-Laban sa Pampanga kaninang hapon, sinabi ni Pangulong Duterte na walang tamang diskarteng ginawa si Pimentel noong siya pa ang presidente ng partido.
Isa sa mga nakikita ni Duterte na pagkakamali ni Pimentel ay ang pagtalaga kay Sen. “Manny” Pacquiao noong nakaraang taon bilang presidente ng PDP-Laban.
Pero maging ang Pinoy ring icon, binanatan din ni Duterte, na aniya’y wala namang kaalam-alam.
Sinabi pa ng Pangulo na halos 100 taon nang “tulog” ang PDP-Laban at kung hindi dahil sa kanyang pagtakbo noong 2016 ay hindi ulit mabibigyan pansin ang partido.
Sa isinagawang halalan sa kontrobersyal na National Assembly, nahalal bilang bagong presidente ng partido si Energy Secretary Alfonso Cusi.
Si Cusi at Pacquiao ay nagbabangayan sa mga nakalipas na araw dahil sa magkakaibang posisyon sa iba’t ibang usapin.
Kung maaalala, nakaalitan din ni Pangulong Duterte si Pacman dahil sa alegasyon ng senador hinggil sa umano’y korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
















