-- Advertisements --

Personal na nakiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya at mga kaibigan ng tinaguriang “healing priest” na si Father Fernando Suarez.

Nitong Biyernes ng umaga pumunta si Pangulong Duterte sa burol ni Fr. Fernando Suarez sa Heritage Park sa Taguig City.

Magugunitang namatay ang pari noong Martes sa edad na 53 dahil sa heart attack habang nasa naglalaro ng tennis sa Ayala Alabang.

Nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Duterte sa naiwan niyang pamilya.

Sinabi ni Pangulong Duterte, naniniwala siya sa kakayahan ng pari na magpagaling dahil personal umano niyang nakita ang nagagawa nito noon sa Davao City.

Ayon kay Pangulong Duterte, itinuturing nila ni Sen. Bong Go at Davao del Norte 2nd District Rep. Antonio “Tonyboy” Floirendo Jr. si Suarez bilang isang kaibigan.

Matatandaang tubong Taal, Batangas si Father Suarez at nakilala sa pangunguna sa pagpapagaling at pagpapatatayo ng Missionaries of Mary Mother of the Poor Congregation sa Batangas, Cebu, at Davao del Norte.