-- Advertisements --

MANILA – Pinatitiyak ni Health Sec. Francisco Duque III na ligtas at epektibo ang COVID-19 vaccines sakaling matuloy ang planong pagpapa-bakuna ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pahayag ito ng kalihim matapos magpaturok ng bakuna kamakailan ang 78-year old US President elect na si Joe Biden.

“Basta’t padaanin natin sa proseso, siguraduhing ligtas, dekalidad, epektibo ang bakuna,” ani Duque sa Kapihan sa Manila Bay media forum.

Kamakailan nang sabihin ng Malacañang na handa si Duterte na maunang maturukan ng bakunang darating sa bansa.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, maituturing na “best communication tool” ang pangulo para tuluyang mawala ang takot ng publiko sa bakuna.

“Ang Presidente po, naku, hindi na makahintay. Gusto niyang talagang turukan na siya na mapakita sa buong bayan na ligtas at epektibo, ito po’y dumaan sa expert panel group ng pinakadalubhasang Pilipino,” ani Roque sa isang press briefing.

Paliwanag ng Health secretary, kakambal ng pagsisiguro na may vaccine supply ang bansa, ay ang pagtitiyak din na ligtas ang mga ipapasok na bakuna sa Pilipinas.

“Hindi naman pwedeng magpapaturok tayo nang wala tayong kamalay-malay sa proseso sa paglikha ng bakuna. Ano yung mga safety profiles ng mga bakuna. Saan ba ginamit ito? Ano bang naging resulta ng mga clinical trial nito?”

“Kailangan lang siguraduhing ito ay tunay na ligtas at epektibo.”